Wednesday, December 25, 2013

ANG HULING GABI... (Part 2)

ANG HULING GABI MISA DE GALLO…

Part 2 

Kahit na nagmimisa na ay hindi ko pa din mapigilan na mapalingon at tumingin-tingin sa paligid. Hinahanap ang taong kanina ko hinihintay. Lihim din akong sumisilip sa cellphone ko para tingnan kung nagtext na ba siya pero wala pa din akong natatanggap. Halos matatapos na din ang misa pero di pa din siya dumadating. Parang nawawalan na din ako ng pag-asa na makikita ko siya. Siguro nga galit talaga siya sakin. End of friendship na talaga.
Hanggang sa matapos ang misa ay hindi na talaga nagpakita si Nate sakin. Sinubukan ko pa siyang hanapin sa buong simbahan pero sobrang nalungkot ako nang malamang wala talaga siya…
Bago ako tuluyang umalis ng simbahan ay naisipan kong muling maupo sa dating pwesto namin ni Nate upang magdasal sandali.
“Lord, una sa lahat nagpapasalamat po ako sa kakaibang regalong binigay nyo po sakin ngayong Pasko. Hindi naman po sa tinatanggihan ko pero sobrang unexpected lang po talaga at hindi ko po alam kung deserved ko po ba talaga yung regalo nyo, pero Lord, bago nyo po sana tuluyang bawiin, sana po ay pagbigyan nyo po ako sa aking hiling, huling gabi na naman po di ba? Gusto ko lang naman po siya makita kahit sandali, Promise Lord, di na ako magsusunget, ok lang din po sakin kung kahit ibabalik nyo yung pagiging suplado niya bilang kapalit, kahit di mag-usap Lord pagkatapos ng gabing ito, Lord, lubos na naman po akong nagpapasalamat sa halos siyam na araw na pagkakaibigan namin…Pero mas ok po yun siguro kung mababati ko man lang po siya ng “Merry Christmas” Alam ko pong sobra-sobra nap o itong hinihiling ko pero  sana po ay mapagbigyan nyo po ako, maraming salamat po Lord, Happy Birthday!” tahimik kong dasal.
Hindi ko tuloy naramdaman na may naupo na pala sa tabi ko. Nagulat na lang ako nang magsalita ang isang pamilyar na boses.
“Lord, sorry po ha, hindi na ako naka-abot sa misa ha, ang traffic po kasi eh! Promise po bukas, babalik po ako dito para magsisimba. Ok lang din po sakin Lord kung hindi na po NIYA masagot ang tanong ko basta po sagotin nyo ang dasal at  tuparin nyo ang hiling ng magandang babaeng nasa tabi ko…”
Napalingon agad ako nang marinig ko ang dinasal niya at natigilan nang makita ko si Nate, nakaupo siya sa tabi ko. Nakatingin din siya sakin at nakangiti pa.
Sa sobrang tuwa ko ay bigla ko siyang nayakap. “Nate! Dumating ka…” natutuwa kong sabi. Habang yakap-yakap ko siya binalik ko agad ang tingin ko sa altar, kay Papa Jesus sabay bulong sa sarili ko. “Thank you po, Lord,”
Natutuwa din napayakap si Nate sakin. “Siyempre, wala naman akong sinabing di ako pupunta ah!” narinig kong sabi niya. Nang maramdaman kong nakayakap na din sakin si Nate, doon ko lang napagtanto ang ginawa ko. Agad kong binawi ang pagkakayakap sa kanya. Halos sabay kaming nag-iwas ng tingin sa isa’t isa. Nahihiya pa ngang napayuko si Nate.
“hindi ko alam na malakas ka pala kay Lord, Nate,” bigla ko siyang biniro sabay ngiti. “Natupad agad ang hiling ko eh!”
“Talaga? Mabuti naman kung ganon,” nakangiti pa din siya sakin. Nagkatitigan kami bigla at matagal na natahimik. Hindi ko alam kung gaano kami katagal nanatili sa ganoong posisyon. Basta pareho kaming naka-upo doon at  nakatingin lang sa isa’t isa. Hindi na naman maintindihan ang nararamdaman ko, pakiramdam ko biglang huminto ang pag-ikot ng mundo ko. Maya-maya pa’y naramdaman ko na, na dahan-dahang hinahawakan ni Nate ang kamay ko, pati ang mukha niya, dahan-dahan niya din nilalapit sakin, para bang hahalikan ako. Nang mapagtanto ko iyon ay mabilis akong nagbawi ng tingin. Para din siyang natauhan at napayuko na naman.
Heto na naman ang bilis na kabog ng dibdib ko, hindi na din ako makatingin sa kanya, nahihiya na naman ako. Napatingin lang ulet ako sa kanya nang tawagin niya ang pangalan ko. “Sam…” Nagulat na lang ako nang pagharap ko ay bigla niyang ini-abot sakin ang isang bouquet ng rosas. “Para sa’yo… sorry…I’m late,” sabi niya. “Antraffic kasi eh!”
“P-para saan to?” nanginginig pa ang kamay ko nang abotin ko ang bulaklak.
“Christmas gift ko” sagot niya. “una pa lang yan, ito yung pangalawa,” at muli niyang inabot sakin ang isang malaking box ng Ferrero Chocolate. Hindi ko na napigilan nang makaramdam ng hiya. Hindi  ko alam kung tanngapin ko ba yung chocolate o hindi.
“ang kulet mo talaga sabi ko naman sa’yo di mo na kailangang regaluhan ako eh!” wala na din ako nagawa kundi tanggapin yung box ng chocolate. “Pero thank you na din ha,”
“at saka peace offering ko na din yan, alam ko kasi nagalit ka sakin dahil sa nangyari kahapon,”
“eeehhh!  kulet mo! Hindi nga ako galit,”
Natawa na lang siya. “Sige…Sabi mo eh! tara…” sabay hinatak ako ni Nate palabas ng simbahan.
“Sa’n tayo pupunta?” takang tanong ko. “Dun sa third gift ko, masyadong malaki eh! Takaw tingin, nakakahiyang ipasok sa simbahan,”
At ganoon na lang ang gulat ko nang paglabas namin sa simbahan, isang napakalaking teddy bear ang bumungad sakin. Mas malaki pa ‘ata yun sa Teddy Bear na nakita naming sa night market. Sa tuwa ko na naman, di ko na naman napigilan ang sarili ko nang magtatakbo papalapit dito at agad itong niyakap. “Para sakin to?” natutuwa kong tanong kay Nate.
Tumango naman siya.
“Merry Christmas!” bati niya pa. “idagdag mo yan sa collection mo ha,”
“Ang ganda Nate, thank you ha,Merry Christmas din, pero sana di ka na talaga nag-abala pa. at saka bakit ba ang dami mo pang gift, tatlo pa,”
“Siyempre, tatlo para I-“
“Hep! Wag mo na ituloy yan!” kinakabahan kong awat sa kanya. Di pa ‘ata ako handa na marinig na sabihin niya yun. Pero tinuloy pa din ni Nate ang sasabihin niya.
“I’m very sorry,” sabi niya sakin at napangisi. “Kaw ha, kung anu-ano iniisip mo,” at nambuska pa siya. “pero kung yun talaga ang meaning sa’yo, pwde din naman,”
“Tse! Loko ka talaga!” naiinis kong bulyaw sa kanya. Tumawa lalo ang loko.
“Pero Nate, sorry ha, wala pa akong Christmas gift sa’yo, di pa ako nakakabili,”
“Ok lang Sam, kahit wala,” nakangiti niyang sabi. “pero mas ok na din kung sagutin mo na lang kaya-” bago pa man niya maituloy ang sasabihin niya ay pinutol ko na.
“Ano ka sinuswete? di ka pa nga nanliligaw eh tas gusto mo sagutin kita agad, mahilo ka!” Ganoon na lang ang pagtataka ko nang tumawa lang siya.
“Eh Sam, paano kita maliligawan? Di mo pa nga sinasagot kung payag ka ba o hindi,”
“Ha?!”
Natatawa siyang napa-iling. “kaw kasi di mo pinapatapos yung sinasabi ko eh! kung ano-anu na tuloy ang naiisip mo,” nang-asar na naman siya. “Sam, ang ibig kong sabihin, ok na saking Christmas Gift yung sagot mo sa tanong ko na kung pwede ba kitang ligawan,”
“Ah…yun pala…” nahihiya na din akong napangiti. Tumawa na naman siya. Parang nang-aasar na naman. Natahimik ako bigla at nag-isip sandal. “Sige na nga…” pagkatpos ay bigla kong sinabi “OO na…” Halatadong nagulat siya sa sinabi ko dahil hindi siya agad nakapagsalita. Tinitigan ko siya habang hinihintay ang itutugon niya. Nakita kong dahan-dahan naman siyang napangiti.
“Anong OO? Tayo na ba?” isang pilyong ngiti ang gumuhit sa mukha ni Nate.
“Ay Nate, ‘wag kang assumero baka gusto mong magbago isip ko,” pabiro namang ganti ko sa kanya.
“Kaw naman Sam, di ka mabiro oh,” At nagkatawanan na lang kaming dalawa.
Maya-maya ay nag-aya na din si Nate umuwi.  “Tara Sam, hatid na kita sa inyo,” sabi niya at nagprisintang ihatid ako samin. Siyempre tumanggi na naman ako, nahihiya pa din kasi ako. “Naku Nate, ‘wag na baka hinahanap ka na sa inyo,” sabi ko.  “malayo pa ang byahe mo, sa QC ka pala nakatira, di mo man lang sinabi, baka lalo kang gabihin yan, di ka pa umabot Noche de Buena,”
“hindi no,” kontra niya. “at saka walang tao sa bahay, nagsi-uwi na yung mga kasambahay naming, yung family ko naman, wala dito, nasa states na, dun kasi talaga kami nagpapasko,”
“Ha? Eh bakit andito ka?”
“wala lang, for a change lang,” pabiro niyang sagot.
“Anong for a change lang, loko ka, bat di ka sumama sa kanila, ang lungkot kaya magpasko mag-isa,”
Nakita kong napangisi siya. “sino ba nagsabi na mag-isa lang ako? Hindi naman eh, pwede naman ako makipasko kina Han-“ bigla siyang natigilan. “Sam..tungkol nga pala kay Hani…pin-“
“Ok na Nate, wag ka na magpaliwanag, naka-usap ko si Hanilyne kanina, sinabi niya na sakin ang lahat,” nakangiti kong putol sa kanya. Isang malalim na bunting-hininga ang pinawalan ni Nate. “Hay salamat!”
Muling kaminsg nagtawanan.
“Pero seryoso, gusto ko talagang ma-experience yung Misa de Gallo, sabi kasi nung Yaya ko, kapag nakumpleto mo daw yung siyam na gabi pwede kang humiling at matutupad daw ang wish mo,”
“Naku, paano yan Nate, absent ka kahapon, di mo nakumpleto, paano na yung wish mo?” nag-aalalang sabi ko sa kanya.
“Ok lang yun…” nagulat ako sa sinabi niya.
“Bakit naman?”
“Kasi di ba sabi mo malakas ako kay Lord? Unang araw palang kasi tinupad niya na yung wish ko,”
“Talaga? Bakit? Ano ba yung wish mo?”
“Ang makita ka…” nakangiting niyang sabi sabay tingin sakin.
Para akong natameme sa sinabi niya, hindi agad ako nakapagsalita. Nararamdaman ko na naman kasi ang pag-iinit ng aking mukha.
 “ikaw talaga Nate, puro ka biro eh!” pabiro kong tinapik ang balikat niya. “tara na nga,”
“San tayo pupunta?” takang tanong niya.
“O akala ko ba hahatid mo ako? Nagbago na isip mo?” balik ko naman tanong sa kanya.
“hindi naman, pero di ba ayaw mo?”
“Kaya nga, tara na at baka magbago pa ang isip ko,” aya ko sabay ngiti. “Sa amin ka na lang mag-pasko,” Sabay tinalikoran ko si Nate at nagsimula na akong maglakad paalis. “Kaw na magdala ng teddy bear total idea mo yan,”  
Nilongon ko si Nate at nakita kong napangiti din siya sa sinabi ko, hindi ata siya makapaniwala eh! at parang siya naman ngayon ang natameme, bigla kasi siyang natahimik ni hindi na din gumalaw na tila ba napako na sa kinatatayuan niya.
“Ano na? tatayo ka na lang ba dyan Nate?” pasigaw kong tanong sa kanya. “Oh baka gusto mong iwanan na kita?” At nagsimula na ulet akong maglakad.
Doon na parang natauhan si Nate. “Ha? Teka, wait lang, antayin mo ako,” nagmamadali niya binuhat ang box ng malaking teddy bear saka patakbong sumunod sakin.


THE END

No comments:

Post a Comment