Tuesday, June 1, 2010

“Ang Mali sa Katahimikan”

Heto na naman ako...gigising, kakain, papasok sa eskwela, uuwi, matutulog. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ganito ako. Paulet-ulet na lang. Halos walang pagbabago. Sa eskwela, ako ang sakit ng ulo; Lahat ng guro ay galit sa akin sa kadahilanang hindi ko maintindihan. Halos walang araw na hindi ako napagalitan. Kahit sa bahay ako pa din ang napag-iinitan. Kasalanan ko ba kung mahina ang aking utak at hindi agad maintindihan ang tinuturo nila? Kasalanan ko ba kung hindi ako magising ng maaga kaya lagi akong huli sa klase? Tuwing darating pa ako’y quiz na gad. Ano kaya ang maisasagot ko? Eh di wala! Gabi-gabi na lang kung magsigawan ang aking mga magulang; halos hindi na ako makatulog ng dahil sa ingay. Sa umaga naman, sa aking paggising, sermon ni Inay ang aking almusal. Buntunan ng galit ng aking Ina. Kasalanan ko ba kung kamukha ko ang aking ama? Eh sa kanya naman ako nanggaling. Bakit kaya ako na lang ang lagi nilang nakikita? Lagi na lang may mali sa bawat kilos ko? wala na ba talaga akong ginawang tama? Kung tutuusin, hindi naman talaga nila ako naiintindihan. Wala naman talagang nakakaintindi sakin kundi ang sarili ko lang. Kaya madalas akong mag-iisa. Sa totoo lang, mas gusto kong mag-isa at magkulong na lang sa aking silid. Sa loob nito ko natatagpuan ang sarili kong mundo.Ang katahimikang nais ko. Isang pikit ko lang sa'king mata'y andoon na ako. Malaya ko nang madadama ang katahimikan, aarte akong walang pakialam sa gulong nagaganap sa labas. Kunwari'y hindi ko naririnig ang ingay at sigawan na unti unting pumapatay sa aking katinuan. Ngunit kahit na ipikit ko ang aking mga mata’y rinig ko pa rin ang ingay. Ang walang humpay na sigawan, nakakabinging bangayan na parang wala nang katapusan. Palagi na lang ganito. Ayoko na. Nakakasawa na...

 Nang imulat ko ang aking mata'y liwanag agad ang aking nakita. Katahimikan agad ang umalingawngaw sa aking tainga. Napabalikwas ako ng bangon. Kinabahan ako bigla, bakit kaya tahimik? Nasa’n ang aking magulang? Nang lumabas ako ng aking silid ay natuwa ako nang makita ko ang aking ama at ina at isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko pagkatapos. Kapwa tahimik na ang mga ito at abala sa kani-kanilang ginagawa. Si ina abala sa pagliligpit ng ilang gamit habang si itay naman ay tahimik na naka-upo sa may labasan. Muli akong bumalik sa aking silid at naghanda na sa pagpasok. Katulad pa din ng dati, hindi umimik ang aking mga magulang nang magpaalam ako sa kanila. Ganoon naman sila lagi, walang pakialam sa ’kin. Sanay na ako, marahil kapag ako ang nawala’y ni hindi nila ako hahanapin. Hindi ko naman sila nakitaan ng kahit konting pagmamahal man lang sa akin kahit kailan. 

Nakakapanibago ang katahimikan sa aking eskwelahan nang ako’y dumating. Walang katiting na ingay akong narinig. Nang marating ko ang aking ang silid-aralan ay nagsisimula na ang klase. Nahuli na pala ako. Dahan-dahan akong pumasok, sa pagdaan ko sa harap ng aking guro ay laking gulat ko nang wala akong marinig na kahit anong pagpapagalit sa kanya. Tahimik akong naupo sa aking silya at sinubukan kong makinig. Hindi naman pala mahirap intindihin ang mga sinasabi nila at napatunayan ko sa sarili ko na hindi naman pala ako bobo o tanga. Ang nakakaasar lang ay wala mi isa sa aking guro ang nagpa-quiz. Sayang! At sa kauna-unahang pagkakataon, Wala akong natanggap na kahit ano mula sa kanila. At himala, hindi rin ako napagalitan ngayon. Pero buong araw kong hinintay na ako’y mapansin at marinig ang nakakabinging sigaw ng aking mga guro. Buong araw kong hinintay na lapitan nila ako at sila’y magsalita. Ngunit natapos na lahat ang aking mga klase’y hindi man lang nila ako napansin na para bang wala ako sa lugar na iyon. Daig ko pa ang hangin na kahit hindi nakikita ngunit nadarama naman. Imbes na ikatuwa ko ang mga pangyayari’y, ako pa ay nabahala. Parang hindi kumpleto ang araw ko. Parang may mali sa araw na ito.

Nang pauwi na ako’y saka ko naisipang maglakad-lakad. Bagay na hindi ko naman talaga ginagawa. Gustong sulitin ang katahimikan. Baka kasi pagdating ko sa aking bahay ay ang ingay na naman ang aking madatnan. Naglakad ako ng naglakad hanggang sa dalhin ako ng aking mga paa sa isang simbahan. Ikinagulat ko talaga nang matagpuan ko ang sarili ko na pumasok ng loob nito. Matagal-tagal na din kasi nung huli akong bumisita sa tahanan ng Diyos. At natuwa ako sa katahimikang bumungad sa akin. Tahimik akong naupo doon, at taimtim na nagdasal. At sa gitna ng aking pagdadasal ay saka ko lang napansin ang mag-ina na naka-upo hindi kalayuan sa’kin. Tahimik na nagdadasal ang kanyang Ina samantalang yung bata, walang humpay sa pagtatanong ng kung anu-ano. Pero kahit na naiinis ay sagot pa din ng sagot ang kanyang ina. Naisip ko bigla, kailan ba ako nagtanong sa aking magulang? kailan ba ako nakialam sa kanila? Hindi pa kahit minsan. Sagutin kaya nila ako kung sakali? Bakit kaya hindi ko subukan? Tama. Magtatanong ako pagdating ako pagdating ko ng bahay. Makikialam na ako.
 Tahimik pa din ang bahay ng ako ay dumating. Walang ingay o ano mang sigawan. Iniisip ko na lang na baka tapos na ang kaguluhan. Naka-upo sa may labasan ang aking ama, may hawak na namang beer sa kanyang kamay. Nang dumaan ako sa kanyang harapan, inaasahan ko nang makakarinig ako ng sermon mula sa kanya. Ganoon na lang ang aking pagtataka nang wala akong marinig, ni hindi rin siya tumingin man lang sa akin. Hindi ko na lang iyon pinansin, “mabuti nga ‘yon” sa loob-loob ko. Labis talaga akong nanibago nang pumasok ako ng aming bahay. Nang dahil sa katahimikan ay tila nawalan ng buhay ang buong kabahayan. Kahit ang katiting na sigla at kasayahan na kahit papaano’y matatagpuan pa sa aming kabahayan ay tila nawala na rin. Papasok na sana ako sa aking silid nang marinig ko ang isang iyak na agad kong nalaman kung saan nanggaling. Sa silid ng aking mga magulang, dahan-dahan akong sumilip at muli kong nakita ang aking ina na umiiyak. Sanay na naman ako, lagi naman siyang umiiyak. Pero hindi ko alam kung bakit nanatili pa din akong nakatayo doon gayong ayoko naman talagang makitang umiiyak ang aking ina. Patuloy kong pinanood ang pag-agos ng kanyang luha hanggang sa mapansin ko ang bagay na kanyang tangan-tangan, isang larawan ang kanyang iniiyakan. “anak, bakit ang aga mong lumisan?” narinig kong sambit niya. Sa aking pagkagulat, natagpuan ko na lang ang sarili na dahan-dahang lumalapit sa aking ina. Nang bitawan niya ang larawan, tumambad sa aking mga mata ang aking sariling larawan. “Anak, mahal ka naman namin eh! Bakit mo ako iniwan?” sabay hagulgol ng iyak. Para akong nanigas sa aking kinatatayuan nang marinig ko iyon. Iniwan? Ganoon na lang ang aking pagtataka. “Inay, andito ako,” sabi ko sa kanya. Ngunit parang wala siyang narinig. “Inay?!” sinubukan ko pa siyang sigawan ngunit wala pa ring nangyari. Hindi ko matanggap ang aking narinig. Patay na ba ako? Tanong ko sa aking sarili ngunit kahit anong gawin ko’y hindi ko matagpuan ang kasagutan. Sinubukan kong magwala, magsisigaw ngunit hindi pa rin nila ako pinansin. Nanatili sila sa kanilang kinatatayuan na parang bang hindi nila ako nakita. Nanatili silang nakalugmok doon at kapwa umiiyak. Paulet-ulet na sinasambit ang aking pangalan. Pero wala akong magawa. Gustuhin ko mang aluin sila ay kailanma’y hindi ko na magagawa. Saka ko lang naintindihan ang lahat. Saka lang tuluyan bumalik sa aking gunita ang mga nangyayari. Kung bakit walang pumapansin sa’kin, kung bakit sila tahimik. Hindi pala nila ako nakikita. Isa na lang pala akong kaluluwang ligaw na hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng atensyon. Akala ko’y natagpuan ko na ang katahimikan, ngunit nalaman kong mali ako. Wala pala sa katahimikan ang kasagutan. May mabuting dulot din pala ang ingay, ang sigawan, ang bangayan. Dahil doon, alam kong nakikita nila ako, napapansin nila ako. Ayoko ng ganito. Mas gusto kong bumalik sa dati. Mas gusto ko nang marinig ang ingay. Kahit araw-araw pa nila akong pagalitan. Dahil doon alam kong buhay ako at may halaga ako sa mundo. Ayoko na, ayoko na, ayoko na! 

Nagising ako nang dahil sa isang malakas na katok sa aking pintuan, kasabay noon ang nakakabinging pagsigaw ng aking ina. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mata. Sa pagbangon ko muli kong narinig ang nakakainis na ingay sa labas. Ngunit imbles na ikainis ko iyon ay isang matamis na ngiti ang gumuhit sa aking mga labi. Nang lumabas ako ng pinto ay bumungad agad sa’kin ang galit na mukha ng aking ina. At kahit na nakakabingi ang kanyang mga sigaw, hindi ko napigilan ang sarili na yakapin siya. Heto na naman ako...gigising, kakain, papasok sa eskwela, uuwi, matutulog. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ganito ako. Paulet-ulet na lang. Halos walang pagbabago. Sa eskwela, ako ang sakit ng ulo; Lahat ng guro ay galit sa akin. Walang araw na hindi ako napagalitan. Kahit sa bahay ako pa din ang napag-iinitan. Pero ok nang ganito ako kesa mabuhay ako muli sa katahimikang walang katotohanan.

No comments:

Post a Comment