Wednesday, December 25, 2013

ANG HULING GABI... (Part 2)

ANG HULING GABI MISA DE GALLO…

Part 2 

Kahit na nagmimisa na ay hindi ko pa din mapigilan na mapalingon at tumingin-tingin sa paligid. Hinahanap ang taong kanina ko hinihintay. Lihim din akong sumisilip sa cellphone ko para tingnan kung nagtext na ba siya pero wala pa din akong natatanggap. Halos matatapos na din ang misa pero di pa din siya dumadating. Parang nawawalan na din ako ng pag-asa na makikita ko siya. Siguro nga galit talaga siya sakin. End of friendship na talaga.
Hanggang sa matapos ang misa ay hindi na talaga nagpakita si Nate sakin. Sinubukan ko pa siyang hanapin sa buong simbahan pero sobrang nalungkot ako nang malamang wala talaga siya…
Bago ako tuluyang umalis ng simbahan ay naisipan kong muling maupo sa dating pwesto namin ni Nate upang magdasal sandali.
“Lord, una sa lahat nagpapasalamat po ako sa kakaibang regalong binigay nyo po sakin ngayong Pasko. Hindi naman po sa tinatanggihan ko pero sobrang unexpected lang po talaga at hindi ko po alam kung deserved ko po ba talaga yung regalo nyo, pero Lord, bago nyo po sana tuluyang bawiin, sana po ay pagbigyan nyo po ako sa aking hiling, huling gabi na naman po di ba? Gusto ko lang naman po siya makita kahit sandali, Promise Lord, di na ako magsusunget, ok lang din po sakin kung kahit ibabalik nyo yung pagiging suplado niya bilang kapalit, kahit di mag-usap Lord pagkatapos ng gabing ito, Lord, lubos na naman po akong nagpapasalamat sa halos siyam na araw na pagkakaibigan namin…Pero mas ok po yun siguro kung mababati ko man lang po siya ng “Merry Christmas” Alam ko pong sobra-sobra nap o itong hinihiling ko pero  sana po ay mapagbigyan nyo po ako, maraming salamat po Lord, Happy Birthday!” tahimik kong dasal.
Hindi ko tuloy naramdaman na may naupo na pala sa tabi ko. Nagulat na lang ako nang magsalita ang isang pamilyar na boses.
“Lord, sorry po ha, hindi na ako naka-abot sa misa ha, ang traffic po kasi eh! Promise po bukas, babalik po ako dito para magsisimba. Ok lang din po sakin Lord kung hindi na po NIYA masagot ang tanong ko basta po sagotin nyo ang dasal at  tuparin nyo ang hiling ng magandang babaeng nasa tabi ko…”
Napalingon agad ako nang marinig ko ang dinasal niya at natigilan nang makita ko si Nate, nakaupo siya sa tabi ko. Nakatingin din siya sakin at nakangiti pa.
Sa sobrang tuwa ko ay bigla ko siyang nayakap. “Nate! Dumating ka…” natutuwa kong sabi. Habang yakap-yakap ko siya binalik ko agad ang tingin ko sa altar, kay Papa Jesus sabay bulong sa sarili ko. “Thank you po, Lord,”
Natutuwa din napayakap si Nate sakin. “Siyempre, wala naman akong sinabing di ako pupunta ah!” narinig kong sabi niya. Nang maramdaman kong nakayakap na din sakin si Nate, doon ko lang napagtanto ang ginawa ko. Agad kong binawi ang pagkakayakap sa kanya. Halos sabay kaming nag-iwas ng tingin sa isa’t isa. Nahihiya pa ngang napayuko si Nate.
“hindi ko alam na malakas ka pala kay Lord, Nate,” bigla ko siyang biniro sabay ngiti. “Natupad agad ang hiling ko eh!”
“Talaga? Mabuti naman kung ganon,” nakangiti pa din siya sakin. Nagkatitigan kami bigla at matagal na natahimik. Hindi ko alam kung gaano kami katagal nanatili sa ganoong posisyon. Basta pareho kaming naka-upo doon at  nakatingin lang sa isa’t isa. Hindi na naman maintindihan ang nararamdaman ko, pakiramdam ko biglang huminto ang pag-ikot ng mundo ko. Maya-maya pa’y naramdaman ko na, na dahan-dahang hinahawakan ni Nate ang kamay ko, pati ang mukha niya, dahan-dahan niya din nilalapit sakin, para bang hahalikan ako. Nang mapagtanto ko iyon ay mabilis akong nagbawi ng tingin. Para din siyang natauhan at napayuko na naman.
Heto na naman ang bilis na kabog ng dibdib ko, hindi na din ako makatingin sa kanya, nahihiya na naman ako. Napatingin lang ulet ako sa kanya nang tawagin niya ang pangalan ko. “Sam…” Nagulat na lang ako nang pagharap ko ay bigla niyang ini-abot sakin ang isang bouquet ng rosas. “Para sa’yo… sorry…I’m late,” sabi niya. “Antraffic kasi eh!”
“P-para saan to?” nanginginig pa ang kamay ko nang abotin ko ang bulaklak.
“Christmas gift ko” sagot niya. “una pa lang yan, ito yung pangalawa,” at muli niyang inabot sakin ang isang malaking box ng Ferrero Chocolate. Hindi ko na napigilan nang makaramdam ng hiya. Hindi  ko alam kung tanngapin ko ba yung chocolate o hindi.
“ang kulet mo talaga sabi ko naman sa’yo di mo na kailangang regaluhan ako eh!” wala na din ako nagawa kundi tanggapin yung box ng chocolate. “Pero thank you na din ha,”
“at saka peace offering ko na din yan, alam ko kasi nagalit ka sakin dahil sa nangyari kahapon,”
“eeehhh!  kulet mo! Hindi nga ako galit,”
Natawa na lang siya. “Sige…Sabi mo eh! tara…” sabay hinatak ako ni Nate palabas ng simbahan.
“Sa’n tayo pupunta?” takang tanong ko. “Dun sa third gift ko, masyadong malaki eh! Takaw tingin, nakakahiyang ipasok sa simbahan,”
At ganoon na lang ang gulat ko nang paglabas namin sa simbahan, isang napakalaking teddy bear ang bumungad sakin. Mas malaki pa ‘ata yun sa Teddy Bear na nakita naming sa night market. Sa tuwa ko na naman, di ko na naman napigilan ang sarili ko nang magtatakbo papalapit dito at agad itong niyakap. “Para sakin to?” natutuwa kong tanong kay Nate.
Tumango naman siya.
“Merry Christmas!” bati niya pa. “idagdag mo yan sa collection mo ha,”
“Ang ganda Nate, thank you ha,Merry Christmas din, pero sana di ka na talaga nag-abala pa. at saka bakit ba ang dami mo pang gift, tatlo pa,”
“Siyempre, tatlo para I-“
“Hep! Wag mo na ituloy yan!” kinakabahan kong awat sa kanya. Di pa ‘ata ako handa na marinig na sabihin niya yun. Pero tinuloy pa din ni Nate ang sasabihin niya.
“I’m very sorry,” sabi niya sakin at napangisi. “Kaw ha, kung anu-ano iniisip mo,” at nambuska pa siya. “pero kung yun talaga ang meaning sa’yo, pwde din naman,”
“Tse! Loko ka talaga!” naiinis kong bulyaw sa kanya. Tumawa lalo ang loko.
“Pero Nate, sorry ha, wala pa akong Christmas gift sa’yo, di pa ako nakakabili,”
“Ok lang Sam, kahit wala,” nakangiti niyang sabi. “pero mas ok na din kung sagutin mo na lang kaya-” bago pa man niya maituloy ang sasabihin niya ay pinutol ko na.
“Ano ka sinuswete? di ka pa nga nanliligaw eh tas gusto mo sagutin kita agad, mahilo ka!” Ganoon na lang ang pagtataka ko nang tumawa lang siya.
“Eh Sam, paano kita maliligawan? Di mo pa nga sinasagot kung payag ka ba o hindi,”
“Ha?!”
Natatawa siyang napa-iling. “kaw kasi di mo pinapatapos yung sinasabi ko eh! kung ano-anu na tuloy ang naiisip mo,” nang-asar na naman siya. “Sam, ang ibig kong sabihin, ok na saking Christmas Gift yung sagot mo sa tanong ko na kung pwede ba kitang ligawan,”
“Ah…yun pala…” nahihiya na din akong napangiti. Tumawa na naman siya. Parang nang-aasar na naman. Natahimik ako bigla at nag-isip sandal. “Sige na nga…” pagkatpos ay bigla kong sinabi “OO na…” Halatadong nagulat siya sa sinabi ko dahil hindi siya agad nakapagsalita. Tinitigan ko siya habang hinihintay ang itutugon niya. Nakita kong dahan-dahan naman siyang napangiti.
“Anong OO? Tayo na ba?” isang pilyong ngiti ang gumuhit sa mukha ni Nate.
“Ay Nate, ‘wag kang assumero baka gusto mong magbago isip ko,” pabiro namang ganti ko sa kanya.
“Kaw naman Sam, di ka mabiro oh,” At nagkatawanan na lang kaming dalawa.
Maya-maya ay nag-aya na din si Nate umuwi.  “Tara Sam, hatid na kita sa inyo,” sabi niya at nagprisintang ihatid ako samin. Siyempre tumanggi na naman ako, nahihiya pa din kasi ako. “Naku Nate, ‘wag na baka hinahanap ka na sa inyo,” sabi ko.  “malayo pa ang byahe mo, sa QC ka pala nakatira, di mo man lang sinabi, baka lalo kang gabihin yan, di ka pa umabot Noche de Buena,”
“hindi no,” kontra niya. “at saka walang tao sa bahay, nagsi-uwi na yung mga kasambahay naming, yung family ko naman, wala dito, nasa states na, dun kasi talaga kami nagpapasko,”
“Ha? Eh bakit andito ka?”
“wala lang, for a change lang,” pabiro niyang sagot.
“Anong for a change lang, loko ka, bat di ka sumama sa kanila, ang lungkot kaya magpasko mag-isa,”
Nakita kong napangisi siya. “sino ba nagsabi na mag-isa lang ako? Hindi naman eh, pwede naman ako makipasko kina Han-“ bigla siyang natigilan. “Sam..tungkol nga pala kay Hani…pin-“
“Ok na Nate, wag ka na magpaliwanag, naka-usap ko si Hanilyne kanina, sinabi niya na sakin ang lahat,” nakangiti kong putol sa kanya. Isang malalim na bunting-hininga ang pinawalan ni Nate. “Hay salamat!”
Muling kaminsg nagtawanan.
“Pero seryoso, gusto ko talagang ma-experience yung Misa de Gallo, sabi kasi nung Yaya ko, kapag nakumpleto mo daw yung siyam na gabi pwede kang humiling at matutupad daw ang wish mo,”
“Naku, paano yan Nate, absent ka kahapon, di mo nakumpleto, paano na yung wish mo?” nag-aalalang sabi ko sa kanya.
“Ok lang yun…” nagulat ako sa sinabi niya.
“Bakit naman?”
“Kasi di ba sabi mo malakas ako kay Lord? Unang araw palang kasi tinupad niya na yung wish ko,”
“Talaga? Bakit? Ano ba yung wish mo?”
“Ang makita ka…” nakangiting niyang sabi sabay tingin sakin.
Para akong natameme sa sinabi niya, hindi agad ako nakapagsalita. Nararamdaman ko na naman kasi ang pag-iinit ng aking mukha.
 “ikaw talaga Nate, puro ka biro eh!” pabiro kong tinapik ang balikat niya. “tara na nga,”
“San tayo pupunta?” takang tanong niya.
“O akala ko ba hahatid mo ako? Nagbago na isip mo?” balik ko naman tanong sa kanya.
“hindi naman, pero di ba ayaw mo?”
“Kaya nga, tara na at baka magbago pa ang isip ko,” aya ko sabay ngiti. “Sa amin ka na lang mag-pasko,” Sabay tinalikoran ko si Nate at nagsimula na akong maglakad paalis. “Kaw na magdala ng teddy bear total idea mo yan,”  
Nilongon ko si Nate at nakita kong napangiti din siya sa sinabi ko, hindi ata siya makapaniwala eh! at parang siya naman ngayon ang natameme, bigla kasi siyang natahimik ni hindi na din gumalaw na tila ba napako na sa kinatatayuan niya.
“Ano na? tatayo ka na lang ba dyan Nate?” pasigaw kong tanong sa kanya. “Oh baka gusto mong iwanan na kita?” At nagsimula na ulet akong maglakad.
Doon na parang natauhan si Nate. “Ha? Teka, wait lang, antayin mo ako,” nagmamadali niya binuhat ang box ng malaking teddy bear saka patakbong sumunod sakin.


THE END

ANG HULING GABI... (Part 1)


Ngayon na ang huling gabi ng Misa de Gallo.  Ito na din marahil ang huling gabi na makikita at makakausap ko si pa Nate at yun ay kung magsisimba pa siya… Natigilan ako bigla sa naisip ko, wag naman sana… Bigla na namang nagbago ang timpla ko. Nagpahinto tuloy ako sa paglalakad., parang ayoko na ‘atang magsimba.
Pero huli na din ang lahat, halos hindi ko na namalayan na nakarating na pala ako sa simbahan.
Sa dating pwesto namin ni Nate ako naupo. Tahimik akong naghintay sa kanya. Nakakapanibago, ako na talaga ngayon ang nag-aantay at naghahanap sa kanya, mga bagay na dati, si Nate ang madalas na gumagawa. Naka-ilang ulet din akong tumingin sa cellphone ko para silipin kung nag-text na siya pero wala pa din. Halos mabali na din ang leeg ko sa kakalingon at kahahanap sa kanya pero mi anino niya ay hindi ko makita. Pakiramdam ko pa ang damot-damot ko na dahil ilang beses nang may nagtangkang umupo sa tabi ko pero patuloy ang tanggi at sinasabing may kasama ako kahit wala naman talaga at di din ako sigurado kung darating ang taong hinihintay ko. Malapit na kasing magsimula ang misa kaya dumarami na ang mga tao at nagkakaubusan na ng upuan sa simbahan.
Maya-maya pa ay naramdaman ko na ang dalawang matang nakamasid sakin. Ewan ko kung bakit pero bigla na lang akong napalingon at nakita ko ang isang babae na nakatingin sakin. Pamilyar ang mukha niya sakin, hindi ko lang matandaan kung saan ko siya nakita. Ngumiti siya sakin saka lumakad patungo sa direksyon ko. Nang nasa harapan ko siya saka ko lang naalala kung sino siya.
“Hi!” nakangiti niyang bati sakin. “It’s Sam, right?” napatango na lang ako at pinanuod ang pag-upo niya sa tabi ko. Hindi na ako naka-kontra dahil nagulat ako sa paglapit niya.
“hinahanap mo ba siya?” narinig kong tanong niya.
“Ha?” maang-maangan kong tanong.
“Si Nate…hinihintay  siya no?” narinig kong sabi niya.
Parang biglang bumilis ang tibok ng puso ko nang marinig kong banggitin niya ang pangalan ni Nate. Tama nga ako, siya nga yun.
“H-hindi ah!” tanggi ko sabay iwas ng tingin sa kanya.
Nakita kong ngumisi siya. “wag mo na i-deny, kanina pa kaya kita pinapanuod, may hinahanap ka, alam ko, si Nate yun,” sabi niya sakin. Hindi na ako nakakibo. Pero ikinagulat ko talaga ang sunod niyang sinabi sakin.
“Sorry nga pala kagabi ha,” Nagtataka akong napatingin sa kanya. Bakit kaya siya nagso-sorry sakin. “Sabi sakin ni Nate nagalit ka daw nung nakita mo kami,” dagdag pa niya.
“Ha?!” para akong nakaramdam ng hiya. “Ah..eh..di mo naman kailangan mag-sorry sakin…ako pa nga ‘ata yung nakaistorbo  sa inyo ng Boy-“
“Boyfriend? Si Nate? Oh no! Sam, you’re getting it wrong, Hindi ko boyfriend si Nate,” natatawang putol niya sa sinasabi ko.
“Hindi?” takang tanong ko. Umiling naman siya “hindi talaga,”
“Pero…HONEY… yun ang tawag niya sa’yo di ba?”
“Oh wait, haven’t I introduce myself yet?” tanong niya. Ako naman ngayon ang umiling. “I’m sorry where are my manners, my name is HANILYNE, ‘hani’ for short, as in H-A-N-I, hindi yung honey na iniisip mo,” napangisi siya. “I’m Nate’s cousin, school mates din tayo, 4th year na din ako,”
Natigilan ako sa narinig ko. Naramdam ko na ang pag-iinit ng mukha ko. Agad akong umiwas ng tingin sabay nahihiyang napayuko. Parang gusto kong manigas sa kinatatayuan ko o kaya bigla na lang sana akong kainin ng lupa ng buo. Hindi ko na ‘ata kayang tumingin pa ng diretso sa kanya. Nakakahiya kasi eh, ano ba yung mga iniisip ko? Napakamalisyosa ko naman.
“It’s ok, marami nga nagkakamali dyan sa pangalan ko, or sa closeness namin ni Nate, sobrang sweet daw namin, para daw kaming mag-jowa. Pero kasi, si Nate ang pinaka-close ko sa lahat ng pinsan ko, para ko na siya bestfriend kaya ganun. Nate told me, na di ka nga rin naniwala sa kanya nang sabihin niya sa’yo na pinsan niya ko, that’s why I’m here to clarify na yung mga nakita at narinig mo kagabi ay taliwas sa mga iniisip mo,” Paliwanag niya.
Hindi na ako nakakibo. Hindi ko na naman kung ano ang sasabihin sa kanya.
“Ang lungkot kaya niya kagabi nung umalis ka at di mo siya pinansin,” kwento niya. “Di na nga yun nagsimba eh! Wala na daw siya sa mood, ewan ko lang ngayon kung darating siya, di ko pa kasi siya nakikita mula kaninang umaga, Baka na-traffic na naman sa byahe o baka na-stranded na sa Bus Station, alam mo naman, dami nang umuuwi ng probinsya ngayon,”
“na-stranded na sa Bus Station?  Bus ang sinasakyan niya?” kunot-noo kong tanong sa kanya.
“Oo…Bus…wala naman ‘atang dyip na direstsong bumabyahe dito sa’tin mula Quezon City, meron ba?”
“Quezon City?! Dun pa siya nanggagaling?!” Nagulat ako.
“Hindi mo ba alam?” tanong niya. “Hindi dito sa’tin sa Sta.Rosa (Laguna) nakatira si Nate, sa Quezon City at uwian pa yun,”
“umuuwi pa siya dun araw-araw? Ang layo naman,” Ngayon alam ko na kung bakit gabi na nakakauwi si Nate sa bahay nila. At kung bait minsan sobrang gabi na kung magtext si Nate sakin. “Tapos dito siya nag-aaral? Grabe naman, buwis buhay ah,”
“sinabi mo pa! Pero, infairness,  Ang effort ng pinsan ko di ba? kaya ‘wag ka na magalit sa kanya ha, Please?”
“Eh hindi naman ako galit sa kanya eh!”
“Talaga?! Eh bakit naka-text ko siya kagabi, di ka daw nagrereply sa kanya, pati mga tawag niya di mo sinasagot, naku! Di kaya napuyat nay un, kakahintay sa text mo o sa kakaisip kung galit ka bas a kanya o hindi,”
Para naman akong na-guilty sa sinabi niya. Kanina ko pa nga talaga gusto i-text si Nate para sabihin na di naman ako galit kaya lang kinakain talaga ako ng pride at hiya ko.
“Alam mo Sam, may sasabihin ako sa’yo, pero satin dalawa lang to ha? ‘wag mo sabihinn kay Nate na sinabi ko sa’yo, magagalit sakin yun,”
“Ano yun?”
“Sa totoo lang, matagal ka na talagang gusto ni Nate….” Heto na naman ang bilis ng  kabog ng dibdib ko nang marinig ko ang sinabi niya. “simula pa nung una ka niyang makita dito sa simbahan,”
“Ha? Dito sa simbahan? Paano?” Nakakagulat na naman yung sinabi niya.
“Nung May…di ba nagsagala ka?”
Naalala ko nga yun, kasali ako sa mga nagsagala; sapilitan lang yun, sa kagustuhan lang ng Nanay ko at dahil kilala niya ang organizer, Ako yung kinuha na Reyna Emperatriz. Sobrang badtrip pa akon nun dahil yung pinsan ko na dapat Escort ko ng gabing iyon, bigla ba namang nagkasakit. Pero nagkaroon din ako ng escort, may nag-proxy kasi eh. Hindi ko na nga matandaan yung itsura niya o yung pangalan niya. Di ko naman kasi kilala, daya lang daw kasi, palibasa gwapo daw kaya kinuha nung organizer para magproxy. At dahil din sa kabadtripan ko di ko man lang siya kinausap o tiningnan man lang.
“Ah..oo…bakit?” sagot ko.
 “malamang di mo na natatandaan, alam mo ba na yung escort mo nun ay si Nate?”
“Ha?! Si nate?”
“o kita mo na, di mo alam,” napangiti siya. “Alam mo, Gustong-gusto na niya talaga tanungin ang pangalan mo nun, kaya lang, mukha ka daw masunget, at saka nahihiya daw siya, tas nung sinabi ko na magka-school mate tayo, nagulat na lang ako nang bigla siya magpatransfer dito,”
“pumayag agad ang parents niya?”
Tumango siya. “Bunso kasi si Nate at nag-iisang lalaki pa kaya agad na nasusunod ang luho,” paliwanag niya. “Tuwang-tuwa kaya yun nung nalaman niya na magka-klase kayo panay-panay ang kantiyaw ko sa kanya nun,” Natatawa pa siya habang nagkukwento. “kaya lang dahil sa likas na mahiyan at TORPE ang dakila kong pinsan di niya pa din nagawang makipag-kaibigan sa’yo…mi ang kausapin ka di ‘ata nun magawa eh!”
“oo nga…super suplado kaya ng pinsan mo, di ako pinapansin nun,” sang-ayon ko naman. “ang akala ko pa nga nung una, di niya alam ang pangalan ko,”     
“Akala mo lang, stalker kaya ang peg nun, kung alam mo lang, akala kaya namin, nagbago na yun, bigla kasing naging religious eh! Naging pala-simba na tuwing lingo, ayun pala sumusulyap lang pala sa’yo…nalaman kasi niya mula sa mga classmates nyo na nagsisimba ka din dito tuwing linggo, tama ba?”
“Ha? Pati yun alam niya?”
“Oo…pati kung anong oras ka nagsisimba,” nakangiti pa din niyang sabi. “Pati nga itong simbang gabi, kinarir eh! kahit alam niyang gagabihin siya sa pag-uwi at hassle na ang  biyahe dahil sa Christmas break eh nagpupunta pa din siya dito, enjoy na enjoy pa ang loko, kaya naman pala IKAW ang kasama niya magsimba at CLOSE na pala kayo sa wakas,”
Hindi na ako alam kung ano pa ang sasabihin ko, nagugulat ako sa mga pinagsasabi niya. Halos hindi ako makapaniwala eh! Ang galing naman magtago ni Nate.        
“Kahapon ‘ata dapat susunduin ka niya di ba? Sorry ulet ha, kasalanan ko yun eh, nagpasama kasi ako sa kanya na mag-christmas shopping sa Manila, na-traffic tuloy kami,” sabi niya at nag-sorry ulet. “Ako ang nagsabi sa kanya na bigyan ka ng flowers bilang peace-offering, alam kasi niya na magagalit ka eh,”
“Kung ganun yung bouquet na bingay niya sa’yo kahapon ay para-“
“Sayo talaga,” pinutol na naman niya ang sasabihin ko. “Hindi niya yun binigay sakin, pinahawak niya lang,” At ngumiti ulet siya sakin.
May sasabihin pa sana ako pero natigil na ang pag-uusap namin nang marinig naming ang Bell na hudyat ng pagsisimula ng misa.

“Paano Sam, maiwan na muna kita, may mga kasama kasi ako, kailangan ko na ‘atang bumalik,” at nagpaalam na siya sakin. Tumango na lang ako. Pero bago pa man siya tuluyang makalakad palayo sakin ay nilingon niya ulet ako. “Don’t worry Sam, darating din yun si Nate, antayin mo lang,” nakangiting niyang pahabol sakin. Napangiti na lang din ako sa kanya.


To be continue...

WALANG MISA DE GALLO?

Maaga akong naghanda at nag-ayos kinabukasan.  Hapon pa lang ‘ata ay nakagayak na ako. Hindi sa excited ako sa pagdating ni Nate, kundi dahil hindi naman niya sinabi ang oras ng kanyang pagdating.
Sa labas na lang ako ng bahay nag-antay sa kanya, ayoko na kasing makita siya ng Parents ko, hindi pa ‘ata ako handa sabihin sa kanila ang tungkol kay ni Nate. Natatakot talaga akong pagalitan nila ako. Hindi naman sa bawal pero tiyak na sasabihin nilang bata pa kami.
Isang oras na mahigit ang nakalipas ngunit di pa din dumarating si Nate. Panay na din ang tingin ko sa Cellphone ko pero kahit isang text ay wala pa din akong natatanggap. Naiinip na ako, kung di niya lang sinabi na antayin ko siya, malamang ay kanina pa din akong nasa simbahan. Nakakapanibago, ako naman ngayon ang nag-aantay sa kanya ngunit mag-gagabi na, wala pa din si Nate. Kaya nang muling lumipas ang trenta minutos, nagpasya na akong umalis.
Pasakay na sana ako ng dyip nang mag-ring ang cellphone ko. Si Nate, tumatawag sakin.
“Hello, Nate, A-“ hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang marinig ko ang boses ni Nate.
“Sam! Sorry din a kita masusundo, andito na ako sa simbahan; may nangyari kasi eh…basta, dito ko na lang iku-kwento,”
Para akong biglang nainis sa narinig ko. Parang gusto ko siyang awayin. Sa lahat pa naman ng ayaw ko ay yung pinaghihintay ako sa wala. Pero naisip ko din, wag na lang siya patulan, simbahan pa naman ang pupuntahan ko. “ah ganun ba, sige…” nasabi ko na lang.
“Punta ka na dito antayin kita ha, may bibigay din ako sa’yo,” narinig kong sabi niya at agad na binaba ang tawag.

                Sa malayo pa lang tanaw ko na agad si Nate. Sa kauna-unahang pagkakataon, naramdaman ko na parang natuwa ak nung nakita ko siya. Napansin ko din agad ang bagay na hawak-hawak niya, isang bouquet ng rosas. Para sakin ba yun? Natanong ko tuloy bigla sa sarili. Ang assuming ko naman, pero di ko na din ikakaila na kinabahan na naman ako sa naisip ko.
Pero nawala agad ang tuwa at kabang nararamdaman ko nang makita kong may kausap si Nate,  isang babae… Parang may kung anong kumurot sa dibdib ko, mukha kasing ang saya-saya at sarap ng kwentuhan nila. Papalapit na ako sa kanila nang matigilan ako bigla sa narinig  kong sinabi ni Nate. “Honey oh,” sabay inabot niya sa babaeng kausap ang bulaklak na hawak niya.
Hindi ko alam kung bakit, pero bigla na lang akong nagtatakbo paalis ng simbahan. Naramdaman ko din ang pangigilid ng luha ko sa gilid ng mata, naiiyak ako. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko ng mga oras na yun. Parang ang sakit-sakit ng nakita ko. At kahit gaano kalakas ang pagtawag ni Nate sakin, hindi ko magawang huminto at lumingon. Hanggang sa makarating ako sa sakayan ng dyip, alam kong hinabol ako ni Nate, Rinig ko pa din ang pagtawag niya sa pangalan ko habang papa-alis ang dyip na sinasakyan ko.

                “Sam…ok k lng b?” text sakin ni Nate. Nasa bahay na ako nun. Nakakulong at nagmumokmok sa kwarto ko. Hindi na ako nagsimba.
“ok lang aq,” reply ko.
“Sure k? D n dn aq ngcmba, wla k kc eh…” text niya ulet.
Hindi agad ako nagreply, may kasunod kasi agad ang text niyang yon.
“Anyare sau? Bkt kb umalis? Tntwg kita d mo aq pnpncn, galit kb sakin?”
“Hindi aq galit…bat aq mgglit?”
 “Eh bkt nga? Bat mo aq iniwan dun?”
 “wala…ayoq lng mkais2rbo s inyo ng HONEY mo.” Parang naiinis kong reply sa kanya.
“HONEY ko?! Cnung honey?”
Hindi ko maintindihan kung bakit parang nakaramdam ako ng pagka-inis. Nagpapatay-malisya pa siya eh sigurado naman akong alam niya kung anong ibig kong sabihin.
Hindi na ako nagreply sa kanya. Ayoko na siyang kausapin at baka tuluyan lang kaming mag-away. Hindi ko pa din kasi maintindihan ang nararamdaman ko. Kahit ako, nagtataka kung bakit ganun na lang ang reaksyon ko sa nakita ko.
After 15 minutes, Nagulat na lang ako nang tumunog ulet ang phone ko, tumatawag sakin si Nate. Sinagot ko naman.
“Sam…ba’t di ka na nagrereply? Galit ka ba?” nag-aalalang tanong niya agad nung sagutin ko ang tawag.
“hindi!” mapait kong sagot sa kaniya.
“Eh bakit ka ba nagkakaganyan? Para kang galit? Kapag di ka umayos dyan, iisipin kong nagseselos ka kay Honey,” natatawang sabi niya sakin. Parang nagpanting ang tainga ko sa narinig ko.
“At bakit naman ako magseselos?! Assumerong to,”
Narinig kong tumawa siya. “oh di ba nagdideny ka na, totoo nga siguro,” buska ni Nate.  “hay naku Sam, wala ka naman dapat ipagselos eh, di ko yun girlfriend... cousin ko yun,”   
“Cousin daw…o baka naman…Cousin-tahan,” huli na nung marealize ko ang sinabi ko sa kanya. Nagulat din ako at napaisip kung bakit yun ang nasabi ko.
“o kitam, nagseselos ka nga,” narinig kong sinabi ni Nate sabay tumawa pa siya.
Hindi na ako nakapagsalita pa sa sobrang hiya ko. Naririnig ko pa din ang nakakalokong tawa ni Nate. Parang tuwang-tuwa pa siya sa sinabi ko. Anu bang nakakatuwa dun?
Dahil na din siguro sa hiya at sa inis ko sa pang-aasar niya, hindi ko na napigilan ang sarili ko, ibinaba ang tawag at hindi ko na siya kinausap pa.
Hindi na ako sinagot ang mga text at tawag niya.

Halos mapuno ng mga flood messages ni Nate ang inbox ko, nalowbat na din ang phone ko sa kakatawag niya pero mi isa sa mga iyon ay hindi ko sinagot. Wala talaga akong planong kausapin siya. Hindi dahil sa naiinis pa din ako sa kanya kundi dahil nahihiya ako. Hindi ko lang alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Paano ko ba ipapaliwanag sa kanya kung bakit ganoon na lang tinuran ko.  Sa totoo lang, kahit ako’y nagtataka din. Hindi ko talaga alam kung bakit ganoon ang naging reaksyon ko, pati ang nararamdaman ko, hindi ko pa din maintindihan; naguguluhan ako.
Posible nga kaya nagseselos ako? Naisip din ako. Pero bakit? Di naman siya gusto. Di nga kaya? O baka yun lang ang akala ko?
                Wala na akong narecxeive na text at tawag ni Nate kinabukasan. Napagod na siguro…o baka naubusan na ng load…o baka…nainis na din siya sakin dahil sa kaartehan ko, ayaw niya na din siguro ako kausapin, nagalit na din siguro siya sakin.
Para akong natauhan sa naisip kong iyon. Bigla akong nakaramdam ng lungkot. Paano kung totoong galit na sakin si Nate? Paano kung pagkatapos ng bakasyon, di na naman niya ako kausapin o pansinin? Sayang naman yung nasimulan naming  pagkakaibigan. Bigla tuloy akong nainis sa sarili ko. Bakit ba kasi pinairal ko pa ang kaartehan ko eh, ito tuloy ang nangyari.
Isang malalim na buntong – hininga na lang ang pinawalan ko nang silipin ko ang cellphone ko. Wala pa rin kahit isang text o missed call si Nate…


TO BE CONTINUE…